Ang pagsasalin ng The Hobbit mula sa wikang Ingles tungo sa wikang Filipino ay isang masaya ngunit mahirap na proseso. Naging mahalaga sa akin ang pagiging matapat sa orihinal na texto, at para dito kinailangan kong aralin hindi lamang ang semantiko ng dalawang wika kung hindi ang mga mitolohiya ng dalawang kulturang ito. Mas naging hamon rin na ang mitolohiyang sinusunod ni Tolkien sa kanyang Legendarium ay hindi ang karaniwang mga supernatural na mga nilalang sa tradisyong Amerikano, specifically ang Hollywood traditions ng mga bampira, taong-lobo, at multo. Sa mundong ginawa ni Tolkien mas madarama ang impluwensya ng mga Scandinavian, Icelandic at Finnish na aaminin kong halos walang kapareho sa kulturang Filipino kahit na may malaki tayong impluwensyang nakuha sa Amerika.
Sa pagsasalin ko, pinilit kong gumawa ng paghahalili ng mga konseptong Scandinavian sa ating sariling mitolohiya. Ginunita ko ang mga kwentong-bayan natin na pumapartikular sa mga supernatural, tulad ng mga Diwata, Inano, Duwende, Aswang, Engkanto, Kapre, Tikbalang, Santelmo, at iba pa. Ngunit bukod sa mga Diwata at Inano, na aking ginamit bilang salin ng Elves at Dwarves, kaunti lamang ang pagkakapareho ng tradisyong Scandinavian sa atin. Bunga na rin siguro ito ng talagang walang naging kontak ang dalawang kultura hanggang ang ika-dalawampung siglo; at ang konsepto ng isang napagangda at imortal na lahi ay aninag na rin sa halos lahat ng sistema ng relihiyon at paniniwala sa mga supernatural sa mundo, ayon sa tesis ni Joseph Campbell sa kanyang akdang The Hero With A Thousand Faces.
Ang aking proyektong pagsasalin ay isang mataas na ambisyon. Sa pagsasalin ng isang akdang nasa isang wika patungo sa isa pang wika, kinakailangan ng tagapagsalin ng matibay na pundasyon hindi lamang sa wika kung hindi sa kultura ng dalawang lipunan. Hindi tumitigil ang pagsasalin sa literal na antas; ang wika'y sadyang arbitraryo at may mga tayutay, ekspresyon, at iba pang gamit o paglalaro ng salita na pekulyar lamang sa isang kultura. Kaya alam ko na kung gugustuhin ko talagang tapusin ang proyektong ito--ang pagsasalin ng The Hobbit sa wikang Filipino--kakailanganin kong aralin pang mas maigi ang mga mitolohiya ng Pilipinas at ng mga karatig-bansa natin sa Malayo-Polynesiang mundo sa parehong paraan na ginamit ni Tolkien ang mga mitolohiya ng mga Teutonic at Nordic na mga tradisyon.
No comments:
Post a Comment